Noong mga unang
panahon dito sa bulubunduking lugar na kung tawagin ngayon ay Benguet, ang
pangunahing pangkabuhayan ay ang pagkakaingin. Nag-aalaga din ang mga tao ng mga hayop
katulad ng baboy sa kanilang mga bahay-bahay.
Payak man ang buhay ay hindi nawawala sa mga tao ang magbunyi sa
panginoon na kung tawagin nila ay Kabunian.
Ang pagbubunying ito ay sa pamamagitan ng isang pagdiriwang na tinatawag
nilang kanyaw. Ang kanyaw din ay paraan
nila ng pagpupugay, pag-alala at pag-aalay para sa mga yumao nilang ninuno o
kamag-anak.
Ngayon, isa sa
pangunahing hanapbuhay dito sa Benguet ang pagmimina ng ginto. Kung paano nagkaroon ng ginto sa mga
bulubunduking noo’y tinatamnan ng camote ay isinasalaysay sa isang alamat na
sinasabing nangyari sa isang pamayanang kung tawagin ay Suyok sa hilagang
bahagi ng Benguet.
Minsan daw ay
may isang ama ng isang mag-anak sa Suyok na pupunta sana upang magdukal ng
camote sa kanyang kaingin. (Pinangalanan
siyang Manto sa ilang salin ng alamat na ito.) Ngunit sa daan, sa kalayuan pa
lang ay nakita ni Manto ang isang uwak na nakatayo sa isang puno. Nagtaka siya kung bakit hindi natitinag ang
ibon habang palapit siya ng palapit.
Kinilabutan siya ng nakita niyang nakatitig sa kanya ang uwak noong malapit
na malapit na siya. Tumango ang ibon sa
kanya ng tatlong beses bago siya lumipad.
Alam niyang itoy isang pangitain kaya’t dali-dali siyang bumalik sa
kanilang bahay. Nasalubong niya ang
isang kapitbahay at ikinuwento niya ang nasaksihan sa daan.
KAPITBAHAY: Nakabalik ka naman kaagad at wala kang
dalang camote?
MANTO: May nasaksihan ako sa daan na alam kong isang babala.
KAPITBAHAY: Ano iyon?
MANTO: Nakakita ako ng isang
uwak na ayaw matinag sa kanyang kinatatayuan,
Nang makalapit ako, tumango siya sa akin ng tatlong beses at saka
lumipad?
KAPITBAHAY: Malamang ay isang
sugo ng Kabunyan o ng mga ninuno upang magdaos tayo ng Kanyaw.
MANTO: Iyon ang iniisip ko. Kailangang idaos na natin ito bukas at sa
sunod na dalawang araw.
KAPITBAHAY: Kailangang maghanda na tayo ngayon.
MANTO: Oo.
Ipaalam na ninyo sa kabyanan na may kanyaw dito sa atin bukas.
Kinabukasan nga
ay nagsimula ang kanyaw sa bahay nina Manto.
Maraming tao ang dumalo. Sa
umpukan ng tao ay hindi nila napansin ang isang matanda na dumating. Dahan-dahan nitong tinungo ang desong, isang
kagamitan sa pagbabayo ng palay at doon umupo upang mapawi ang pagod. Sa mga oras na iyon ay nataon ang depap, o
ang paghuhuli ng baboy para ihanda sa pananghalian. Sa kalikutan ng baboy ay tumakbo siya sa
kinauupuan ng matanda. Marami ang
tumutulong sa paghuli ng baboy at sa bilis ng mga pangyayari ay may nakabundol
sa kanila sa matanda. Natumba siya sa
lupa.
LALAKI: May nahulog na matanda.
MANTO: Tulungan natin siya.
LALAKI: Tutulungan po namin kayo Apo Lakay.
Apo Lakay ang
tawag nila sa kanya dahil hindi nila ito kilala pero ayaw magpatulong ng
matanda.
MATANDA: Huwag ninyo akong sagiin!
Huwag ninyo akong galawin.
LALAKI: Pero nahihirapan po kayo.
MANTO: Oo nga po Apo. Anong gagawin namin.
MATANDA: Bigyan ninyo ako ng isang sandok ng kanin. At takpan ninyo ako ng isang palayok hanggang
sa hindi ako makita.
MANTO: Ha? Ano pong gagawin
namin? Bakit namin gagawin iyon? Hindi na kayo makakahinga kung ganoon.
MATANDA: Huwag nang maraming
tanong. Gawin ninyo ang aking
iniuutos! Bigyan ninyo ako ng isang
sandok na kanin at takpan ninyo ako ng palayok.
MANTO: Pwede po bang malaman kung bakit namin
gagawin yon?
MATANDA: Balikan na lang ninyo
ako pagkatapos ng tatlong araw at makikita ninyo. May uusbong na isang kahoy na hindi pa ninyo
nakikita sa buong buhay ninyo. Hayaan
ninyo itong lumaki at mamunga. Huwag
ninyo itong putulin. Sa halip ay ang
bunga lang nito ang pipitasin ninyo.
Sinunod ng mga
tao ang sinabi ng matanda. Binigyan
siya ng kanin at sinakloban ng napakalaking palayok. Maraming naging haka-haka kung sino ang
matanda.
KAPITBAHAY: Siguro ay isa siyang Diyos.
LALAKI: Isa siyang sugo ng ating mga ninuno.
MANTO: Ang mahalaga sinunod natin ang kanyang
utos. Ipagpatuloy natin ang kanyaw.
Nagpatuloy sa
kanyaw ang mga taga-Suyok. Pagkatapos ng
tatlong araw ay binalikan nila kung saan tinakloban ang matanda. Laking gulat nila ng makita nila ang isang
munting punla. Madali itong
umusbong at naging isang maliit na puno.
Napansin nila na mula ugat hanggang sa pinamakaliit na sanga at dulo ng dahon
nito ay kumikinang na ginto. Masaya sila sapagkat alam
nilang dumating ang kayamanan sa kanila.
Pinaalala sa kanila ang sinabi ng matanda.
MANTO: Alalahanin natin na
kailangan nating hintayin itong mamunga.
Huwag nating puputulin at mga bunga lang nito an gating pipitasin.
SIGAW NG MGA TAO: Oo! Oo!
Ngunit lahat na
sila ay nakakapit ang isang kamay sa puno. Kanya-kanya ring dala ng kung
anumang maaring gamiting sa pagkudkod o pagkuha ng ginto. Nag-aagawan sila ng pwesto, hanggang sa may
magalit at nag-umpisang manguha ng
ginto. Naging magulo ang mga tao. Nangibabaw ang kanilang kasakiman. Unti-unting nabali ang puno at bumagsak sa
lupa. Nagkaroon ng pagyanig at nakikita
ng mga tao ang unti-unting pag-biyak ng lupa sa mismong binggsakan ng kahoy at
kitayuan ng ugat nito. Natakot ang mga tao lalo’t may narinig silang boses. Nilamon ng lupa ang buong gintong kahoy.
MATANDA: Ginantimpalaan ko kayo
ng kabutihan dahil sa inyong mga pagbubunyi at pag-aalay. Ngunit ano ang inyong ginawa? Ibinigay ko ang gintong puno para umunlad ang
inyong buhay at ang inyong pamayanan pero sa halip ay sumama pa ang inyong
ugali. Babawiin ko sa inyo ang gintong
puno.
MANTO: Mahal naming Kabunian,
alam naming ikaw ‘yan. Kung maari sanang
patawarin ninyo kami at huwag bawiin ang puno sa amin.
MATANDA: Gugustuhin ko man pero ikinasama ninyo naman ang ginto!
MANTO: Tinatanggap po namin na nagkasala kami. Pero ibigay ninyo sana sa amin ang isang
kabuhayang galing sa ginto.
MATANDA: Uhm! Pero kailangan
ninyo pa ring maparusahan. Dahil
sinaktan ninyo ang puno, hindi na ninyo ito muling makikita. Kailangan ninyon paghirapan ang paghuhukay
bago muling makakuha ng ginto.
Mula noon ay
kailangan nang hukayin ang ginto sa Suyok sa mga karatig-pook nito sa Benguet.
(Sinulat base sa mga narinig at nabasa tungkol sa alamat ng ginto ng Benguet!)